Friday, January 4, 2019

Loveless Story: Nasa Anne?

Nasa Anne?


si Anne
iyon ang pangalan ng babaeng kasalukuyan at matagal ko nang nagugustuhan
isang babaeng hinding-hindi ko magagawang makalimutan
ang babaeng madalas na laman ng aking isipan
subalit siya'y inilayo sa akin ng mapaglarong kapalaran
kaya naman ngayon ay hindi ko na alam ang kanyang kinaroroonan

Anne
ikaw ba ay nasaan?

nagustuhan ko na kaagad siya noong unang beses pa lang na siya'y aking nasilayan
una na dahil sa kanyang angkin na pisikal na kagandahan
at dahil na rin sa naramdaman kong taglay niyang kabutihan
wala akong pakialam kung anuman ang kanyang nakaraan
kahit pa may anak na siya sa kanyang dating kasintahan
ni hindi ko nga lubos na maintindihan
kung bakit sa kabila lamang ng labimpitong oras na harapan naming napagsamahan
si Anne ay totoo ko nang pinahahalagahan

batid kong sa aking paghahanap ay ako ay mahihirapan
lalo pa't distansiya ang malupit kong kalaban
pero kahit na ang kahihinatnan nito ay walang kasiguraduhan
kulang na kulang man ang aking kakahayan
gagawa pa rin ako ng paraan, at aking susubukan
dahil bilang lalaki na hindi pa naman niya nagagawang saktan
wala pa akong nakikitang matibay na rason para siya'y akin nang sukuan

mahirap iyong pakiramdam na parang wala kang malapitan
hindi ko maintindihan kung bakit ako'y parang pinagdadamutan
mga tao'y tila ayaw akong pagkatiwalaan
walang nais tumulong, maging ang kanyang mga dating kasamahan

hindi ko nga alam kung totoo ba siyang Kapampangan
apelyido niya'y ni hindi ko nagawang malaman
at sa aming mga pinagsamahan, ang bagay na aking pinagsisisihan
ay iyong hindi man lamang niya ako naiwanan ng kanyang larawan
edi sana ay baka napadali ko itong ilan taon nang hanapan

sinabi niya sa akin noon na magkalayo man kami ay siya'y naniniwala na siya'y aking matatagpuan
pero bakit ngayon ako ay sobrang nahihirapan?

tungkol sa katauhan niya'y marami pa akong katanungan
hangarin ko ba sa kanya ay pwede ko nang masimulan?
o dapat na bang matuldukan?
nais ko siyang mahanap upang ako ay malinawan
nararamdaman ko'y hangad na magkaroon ng kasiguraduhan
kaya anumang tulong para mahanap siya ay lubos kong pasasalamatan

tanggap ko naman na ako'y salat sa kaguwapuhan
sa kanya'y wala ring maipagmamalaki na kayamanan
pero sana naman ay hindi ako pagdamutan
ng oportunidad na makasugal, para damdamin ko ay masuklian

wala akong hangad kundi ang kanyang kaligayahan
at ang kaligtasan niya at ng kanyang pamilyang sinasandalan
pero siyempre ay gusto ko rin namang makita at mapatunayan
kung sila ba ay nasa maayos ngang kalagayan

kung sakali mang aking matuklasan
na puso niya'y mayroon nang nilalaman
at kung makikita ko na totoo nga ang kanilang pagmamahalan
wala na akong magagawa kundi ang siya'y suportahan
kahit papaano ay magkakaroon na ako ng rason para ang aking damdamin ay pigilan
maging katumbas man niyon ay ang aking kabiguan
mahirap man
damdamin ko para kay Anne ay akin nang bibitawan
at ang kabanatang iyon ng buhay ko'y akin nang tutuldukan

pero sa ngayon, hindi ko pa siya kayang talikuran
hindi, kung wala rin namang sapat na basehan
pero mabigo man ako o hindi dito sa aking pakikipagsapalaran
mga alaala niya'y habambuhay ko nang iingatan

subalit sa bandang huli, ang Anne
ni hindi ako sigurado kung iyon nga ba ang kanyang tunay na pangalan


is feeling , November 22 to December 30, 2018...


No comments:

Post a Comment